Mag-asawa sugatan sa pagsabog ng granada sa N. Cotabato

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2018 04:08 PM

Sumabog ang isang granada sa may hapagkainan ng mag-asawang Nunez sa North Cotabato, Linggo ng gabi. ABS-CBN News

Sugatan ang mag-asawa matapos sumabog ang isang granada sa loob ng kanilang bahay sa M'lang, North Cotabato nitong Linggo ng gabi.

Naghahapunan sina Nestor at Juvy Nunez sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Nueva Vida, dakong alas-7 Linggo ng gabi nang makarinig ng malakas na pagsabog sa labas ng kanilang bahay. 

Halos 10 segundo matapos ang unang pagsabog at isa na namang pagsabog ang naganap sa loob ng bahay na ikinasugat ng mag-asawa. 

Nasa kritikal na kondisyon si Nestor matapos magtamo ng shrapnel wound sa iba't ibang bahagi ng katawan, habang sugat naman sa paa ang tinamo ni Juvy. 

Lumabas sa imbestigasyon ng M'lang Municipal Police na 2 granada ang inihagis ng hindi pa matukoy na salarin habang naghahapunan ang mag-asawa. 

Ang unang granada ay sumabog sa gilid ng pader sa labas ng bahay habang ang ikalawa ay sumabog malapit sa hapagkainan.

Ayon sa pulisya, bago naganap ang pagsabog nakatanggap umano ang mag-asawa ng pagbabanta mula sa isa nilang kamag-anak dahil sa away sa lupa. 

Sa ngayon ay personal na alitan ang nakikitang motibo ng pulisya sa pagsabog.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.