Lalaki, arestado dahil sa bomb joke sa Caloocan

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2017 08:24 AM | Updated as of Apr 02 2017 10:53 AM

MANILA - Kahit April Fool's Day, hindi pinalampas ng pulisya at inaresto ang isang lalaki matapos itong magbiro na may dala siyang bomba sa loob ng isang mall sa Monumento, Caloocan City kagabi.

Nakapiit na ngayon sa Caloocan Police Headquarters ang 20-anyos na si Haroeh Lagat na residente ng Malabon City at isang factory worker sa Laguna.

Ayon kay PO3 Caesar Garcia, ang investigator on case, papasok sana ng naturang mall ang suspek at nang kapkapan ito ng gwardya ay sinabi umano nito na may lamang bomba ang kaniyang backpack kayat tumawag agad ang gwardya sa awtoridad upang ireport ang insidente.

Agad na dumating ang mga operatiba ng Special Reaction Unit ng Caloocan Police at nang habulin ang suspek ay tumakbo pa ito papalayo hanggang sa masukol sa bahagi ng Monumento Circle.

Bagamat inamin naman ng suspek na nagbiro siya ay iginiit nitong binulong lamang niya sa kaibigan niya na baka raw may dala itong bomba at hindi direktang sinabi mismo sa guwardiya.

Mahaharap ngayon sa paglabag sa Presidential Decree no. 1727 ang suspek na may kaparuhasan na multa at posibleng makulong ng hanggang limang taon.

Babala naman ng awtoridad sa publiko na huwag magbibiro ng tungkol sa mga bomba o pasabog dahil maaari itong magdulot ng kaguluhan lalo na sa mga matataong lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.