Samahan ng mga panadero nangangamba sa shortage ng raw materials

Abner Mercado, ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2020 04:06 PM | Updated as of Apr 01 2020 09:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sa harap ng mataas na demand ng tinapay dahil sa umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon, may pangamba ang samahan ng mga panadero na baka magkulang sila sa suplay ng mga sangkap sa paggawa nito.

"Yung mga raw materials gaya ng asukal at itlog kasi struggle na talaga ito sa mga panadero sa mga susunod na linggo kasi sa labas ng Metro Manila pa ito nanggagaling," ayon kay Luis Chavez, vice president ng grupong Panaderong Pilipino. 
 
Inaasahan na din ng mga panadero na magkukulang sila sa suplay ng mga packaging at supot ng mga tinapay, dagdag ni Chavez.

"Pinapaliwanag na namin sa mga miyembro namin na pakiusapan ang mga namimili na wala nang supot ang mga biniling tinapay. Diretso na sa mga bag nila kasi magkukulang na kami sa papel na ginagamit na supot," paliwanag ni Chavez. 

Dahil umiiral ang lockdown sa Luzon, limitado na rin ang operasyon ng mga bakery. Alas-8 ng umaga sila magbubukas at sarado na sila pagsapit ng alas-5 ng hapon.-

"Gusto sana namin magsara na muna pero tulong na namin ito sa komunidad na bukas pa din kami at nakakapagtinda," ani Chavez. 

Dalangin ni Chavez na matapos na sa lalong madaling panahon ang umiiral na banta ng COVID-19 at magbalik sa dati ang kanilang operasyon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.