Retiradong sundalo, nanutok umano ng baril matapos sitahin dahil sa physical distancing

Cheche Diabordo, ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2020 10:23 PM | Updated as of Apr 01 2020 10:43 PM

DAVAO CITY - Isang dating sundalo ang inaresto matapos umanong manutok ng baril nang masita dahil sa physical distancing sa Barangay Ilang sa Davao City nitong Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa pulisya, inireklamo ng dalawang barangay tanod ang suspek matapos silang tutukan ng baril nito, dahil sinabihan nila ito na panatilihin ang social distancing habang may kinakausap na ibang tao.

"Nagalit itong suspek, umuwi ng bahay, kumuha ng baril at binalikan ang mga tanod at tinutukan sila. Tumawag sila ng pulis kay nirespondehan natin at nahuli ang suspek," ani Police Maj. Noel Villahermosa ng Ilang Police Station.

Dating tauhan umano ng Philippine Army ang suspek.

Isang kalibreng .357 Magnum na may tatlong bala ang nakuha mula sa suspek, na walang maipakitang papeles kaya sasampahan siya ng kasong illegal possession of firearms.