Pagsali sa iba't ibang group chats ukol sa COVID-19 nakatutulong ba?

ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2020 05:29 PM


MAYNILA — Sa gitna ng giyera kontra sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), labis na kailangan ng Pinoy ang mga lehitimong impormasyon para makaiwas sila sa naturang sakit. 

Dahilan ito kung bakit dumarami na ang mga Pinoy na sumasali sa iba't ibang group chats sa mga online messenger service para agarang makakuha ng impormasyon ukol sa COVID-19.

Isa na dito si Nicole Tiu na istriktong sumusunod sa home quarantine dahil sa umiiral na Luzon lockdown. 

Nakakapanood siya ng balita pero gusto niyang malaman kung ano ang nangyayari sa labas ng kaniyang tahanan.

Kaya gumawa siya ng isang group sa Viber para meron siyang puwedeng mapagtanungan.

"Is this road passable? Like if we want to go to the grocery, what is happening sa groceries. Can anyone share us a picture," ani Tiu, administrator ng Viber group na "Quezon City Residents."

Mula sa 3 miyembro, halos 9,000 na sila sa group.

Bukod sa impormasyon tungkol sa trapiko at mga grocery, nagmistulang palengke na rin ito para sa mga delivery service.

May mga update tungkol sa COVID-19 pero may mga nakakapasok ding fake news.

"When we see it, we delete it. Isa sa pinaka-difficulties namin, kahit nag-set kami ng guidelines, marami pa ring nagsa-spam, hindi sila nagbabasa," ani Tiu. 

Pero babala ni Jason Cabanes, communications professor ng De La Salle University, madalas ipinapasa at pinaniniwalaan ang isang post kung galing sa isang kamag-anak o kaibigan.

"Hindi nila napupuntahan 'yung mga websites na verified," ani Cabanes. 

Pinakamaigi aniyang gawin ay manood, makinig o magbasa ng impormasyon mula sa mga tunay na eksperto sa COVID-19. 


—Ulat ni Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.