Barko ginawang pansamantalang tirahan ng mga frontliners ng Iloilo City

Regi Adosto, ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2020 06:33 PM

ILOILO CITY - Sinimulang gamitin nitong nakaraang weekend bilang pansamantalang tirahan ng mga fronliners ng Iloilo City government ang isang barko na nakadaong sa Iloilo River.

Ang barko ay pagmamay-ari ng maritime school na John B. Lacson Foundation Maritime University.

Ayon kay Iloilo Mayor Jerry Trenas, malaking tulong ito para mailayo ang mga frontliners sa peligro, lalo na ang kanilang mga pamilya.

"Sometimes, the need is more important, so the memorandum of agreement will come soon," ani Trenas.

Ayon sa Iloilo City Disaster Risk Reduction and Management Office, may 200 bed-capacity ang barko. Pero dahil sa ipinapatupad na physical distancing, aabot lamang sa 100 ang puwede nitong ma-accommodate.

Sa kasalukuyan, may 35 traffic frontline personnel, 2 city health personnel, at 5 members ng emergency operation center ang nasa barko.

Maliban sa komportableng higaan, mayroon ring charging station, malinis na comfort room, at mess hall ang barko.

Libre na rin ang pagkain ng mga frontliners na inihahanda ng lokal na pamahalaan.