Bakteryang kayang 'kumain' ng plastik nahanap sa Zambales

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Apr 01 2019 05:35 PM | Updated as of Apr 02 2019 12:15 AM

Microscope image ng bakteryang 'nangangain' ng plastik na natagpuan sa Poon Bato Spring sa Zambales. Retrato mula kay Ronan Baculi

BAGUIO CITY — Nahanap sa isang spring o bukal sa Zambales ang mga bakteryang may kakayahang kumain at tumunaw ng plastik.

Natuklasan ng mga manananaliksik mula sa University of the Philippines (UP) Baguio ang apat na bakteryang kayang gawing enerhiya ang mga polymer o plastik.

"Microorganisms can use this plastic as a source of carbon and energy for their growth," ani Ronan Baculi, isang biology professor na naging bahagi ng pag-aaral na nakatuklas sa mga bakterya.

"So if we say 'plastic-eating'... it means these microorganisms can break this plastic into smaller fragments in order for them to attain energy for their growth," paliwanag niya.

Isa si UP Baguio professor Ronan Baculi sa mga kalahok sa pag-aaral na nakatuklas sa mga bakteryang 'nangangain' ng plastik. ABS-CBN News

Taong 2017 nang simulan nina Baculi, Denisse Yans Dela Torre, Lee Delos Santos, at Mari Louise Reyes ang pag-aaral sa mga bakteryang nakhua sa Poon Bato Spring.

Wala rin daw nakikitang masamang epekto sa mga bakterya ang pagkain ng plastik.

Maaaring mapakinabangan ang pagkakatuklas sa mga nasabing mga bakterya sa problema sa basura ng mga tao.

"Nagkakaroon ng significance ang ating likas yaman at nagkakaroon ng aplikasyon sa karaniwang problema ng tao gaya ng basura," ani UP-Baguio Assistant to the Vice Chancellor for Research Dr. Roland Hipol.
 

Watch more in iWant or TFC.tv
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.