PANOORIN: Paano ang wastong paggamit ng thermal scanner?

ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2020 08:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Kasabay ng pag-viral ng ilang insidente ng maling paggamit ng thermal scanners, ibinahagi ng isang doktor kung paano ang wastong paggamit nito. 

Ayon kay Jesse Bermejo, COVID-19 surveillance officer ng Manila City Health Department, dapat itong itapat sa noo ng taong dadaan sa lugar pagkabukas. 

Tatlo hanggang limang segundo o hanggang lumabas ang temperatura dapat itong itapat. 

Kapag lumabas na 38 degrees celcius ito o pataas, ibig sabihin ay may lagnat ito - isang sintomas ng COVID-19. 

Sakaling lagnatin, dapat itong dalhin sa pinakamalapit na Barangay health center. 

Pero nilinaw ni Bermejo na dahil sa init ng panahon ngayon nangyayari na umaabot sa 38 degrees ang temperatura ng tao. 

Sakaling ganito ang mangyari, patabihin at pagpahingahin ito nang 3 hanggang 5 minuto bago i-check muli ang temperatura. 

Maaalalang nag-viral sa social media ang dalawang insidente ng umano'y maling paggamit ng thermal scanners kung saan tila mabilisan ang pag-scan sa mga dumaraan. 

Payo ni Bermejo, dapat ituro ang tamang paggamit ng aparato para hindi nasasayang ang pag-monitor at makatiyak na hindi nakakalusot ang posibleng may sakit. 

— Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.