Mahigit 200 estudyante ng Central Mindanao University stranded dahil sa community quarantine

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2020 08:50 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Mahigit 200 estudyante ng Central Mindanao University (CMU) sa Maramag, Bukidnon ang stranded ngayon sa kanilang dormitoryo at boarding house at hindi makauwi sa kani-kanilang probinsiya dahil sa ipinatupad na community quarantine sa iba’t ibang lugar.

Marso 14 pa sinuspende ang klase sa CMU bilang preventive measure laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Akala namin na 2 weeks lamang ang class suspension kaya ang ibang estudyante na mula sa malalayong lugar ay hindi na muna umuwi sa kanila. Pero dahil extended ang suspension, naabutan sila ng lockdown sa iba’t ibang provinces at municipalities kaya hindi na sila makakapagbiyahe,” sabi ni Arth Vincent Oco, president ng University Senior Student Council.

“Maayos naman ang aking kalagayan pero mahirap ang remittance sa pinapadalang pera ng aking mga magulang. Mahirap rin bumili ng pagkain dahil karamihan sa mga tindahan ay sarado,” sabi ni Chantal Espinosa, 4th year student mula Tandag City, Surigao del Sur.

Paglilinaw ng Philippine National Police, palulusutin pa rin sa mga quarantine checkpoints ang bumabiyaheng estudyante.

“May order na sa amin na palulusutin sa quarantine checkpoint ang mga estudyante for humanitarian reason kung pauwi sila sa kanilang lugar,” sabi ni Police Lt.Col. Mardy Hortillosa, spokesperson ng Police Regional Office-10.

Inasikaso din ng paaralan ang mga stranded na estudyante sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang mga pangunahing pangngailangan at pagkain.

“The Council of Deans met to organize a task force that would look into the needs of these more than 200 stranded students,” sabi ni Raul Ebonia, director ng CMU Office of Student Affairs.

“Nakipag-ugnayan rin kami sa mga lokal nga pamahalaan para sunduin nila ang mga estudyante dito pauwi sa kanilang pamilya,” dagdag ni Oco.

Noong Marso 28, halos dalawampung estudyante ang nakauwi sa Caraga region matapos magpadala ng sasakyan ang kanilang provincial government para sunduin ang mga estudyante.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.