Health frontliners ibinahagi kung paano mag-disinfect bago umuwi sa pamilya

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2020 07:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sa gitna ng krisis dahil sa COVID-19, maraming health frontliners ang nangangamba, hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para na rin sa kanilang inuuwiang pamilya. 

Marami sa healthcare workers ngayon, sari-saring seremonyas ang ginagawa bago tumapak sa kanilang mga tahanan mula sa ospital na pinagtatrabahuhan. 

Ang internist at rheumatologist si Dr. Geraldine Zamora, pagkagaling sa ospital ay sinisiguro niyang wala siyang germs na naiuuwi sa bahay.

"Pag-uwi ko sa bahay, pumupunta ako agad sa sarili kong banyo, iwan lahat ng sapatos. Ang damit nakababad agad sa tubig na may detergent, minsan may chlorine, sinasabayan ko ng ligo. 

Binibilad din niya sa araw ang mga gamit niya sa bag.

Importante rin para sa kanilang exposed sa iba-ibang klase ng pasyente ang palagiang pagsusuot ng mask kahit nasa bahay na.

"Pag-uwi ko, kapag may mga kasama ako, naka-mask pa rin ako para lang sure," ani Zamora. 

Samantala, mula naman sa pamilya ng mga doktor si Jopie Sanchez at ayon sa kaniya ay matindi rin ang kanilang safety protocol sa bahay.

Bago pumasok ng bahay, tanggal agad sila ng mga sinuot at doon ay may mga nakaabang nang mga pang-disinfect.

"Kung sa pasyente nga nila maalaga sila what more sa mga tao na nasa bahay nila," ani Sanchez. 

Ayon naman sa nurse na si Anabel Julian, pagdating ng bahay ay naliligo na muna siya sa kanilang garahe.

"Pagdating sa bahay, kailangan 'yung shoes mo, damit mo, iwanan sa labas, babad agad sa tubig saka maliligo," pagbabahagi niya. 

Ayon sa Philippine Medical Association (PMA), bukod sa tamang paghuhugas ng kamay, ilan sa health guidelines nila ang hindi pagsusuot ng alahas at iba pang accessories sa ospital.

"It could be a potential space for the virus to go to, kase mga metal surfaces 'yan," ani PMA president Dr. Jose Santiago Jr.

Dagdag pa rito ang pagkukuskos ng paa sa basahang may chlorine at tubig; pag-iwas sa pagsusuot ng make-up; at pagtatali ng buhok. 

Ang iba naman, gumagawa ng tila decontamination chamber sa kanilang mga tahanan para doon magbihis at mag-disinfect ng mga gamit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.