DOH bumili ng isang milyong set ng PPE para sa health workers

ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2020 08:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bumili na ang Department of Health (DOH) ng isang milyong set ng personal protective equipment (PPE) para sa health workers sa gitna ng patuloy na pagdami ng pasyente ng COVID-19.

Nagkakahalaga umano ang mga PPE ng P1.8 bilyon, ayon sa DOH.

Ang bawat set ay may head gear, goggles, N95 mask, apron, at gown.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, prayoridad na mabigyan ng PPE ang health workers sa pampublikong ospital.

May mga nakalaan din para sa iba pang ospital kasama ang mga pribadong pagamutan, kabilang ang ilan sa labas ng Luzon

Hinihikayat ng DOH na mag-email sa covid19logistics@gmail.com ang mga ospital para mag-request ng PPE at matiyak na dokumentado ang kanilang mga request.

Pagdating naman sa kapasidad ng testing, dumami na ang bilang ng mga sample na puwedeng magawa ng Research Institute for Tropical Medicine, ang nangungunang COVID-19 testing site sa Metro Manila.

Kung dati ay umaabot lang sa 300 tests per day, ngayon ay kaya na ng RITM na maproseso ang nasa 900 hanggang 1,000 tests kada araw.

Kasabay nito, ang mga sub-national lab ay kaya ring magproseso ng aabot sa 200 tests kada araw.

Magsisimula na rin sa Martes ang COVID-19 testing sa Lung Center of the Philippines at sa susunod na linggo ay sa St. Luke's Medical Center sa Quezon City at Bonifacio Globel City, ayon kay Vergeire.

Kaugnay naman ng waiver na pinapipirma ng DOH sa mga gustong mag-volunteer, pinabulaanan ito ni Vergeire.

"Ang kanilang pinipirmahan ay volunteer agreement na nagsasaad na ang isang volunteer ay nagpapahayag ng kaniyang intensyon na maglingkod bilang isang volunteer," ani Vergeire.

MGA BAGONG KASO

Nitong Lunes, nadagdagan ng 128 ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 kaya ang kabuuang bilang ay nasa 1,546 na. 

Nananatili sa 42 ang bilang ng mga gumaling sa sakit habang 78 naman ang nasawi, ayon sa DOH.

TEST KITS

Sa hiwalay na press conference nitong Lunes, sinabi rin ni Food and Drug Administration Director General Eric Domingo na naaprubahan na rin nila ang nasa 17 PCR-based test. Ito iyong mga ginagamit sa laboratoryo ng RITM at mga sub-national laboratory.

Bukod doon, 5 rapid anti-body test kits din para sa COVID-19 ang inaprubahan ng FDA.

Pero mahalaga umanong maunawaan ng publiko na magkaiba ang rapid test sa PCR-based test.

Bukod sa laboratoryo na kailangan para maisagawa ang PCR test, ang dine-detect doon ay iyong viral load ng isang tao.

Sa rapid test naman ay antibodies o iyong panlaban ng katawan sa virus ang dine-detect.

Kung gagamitin umano ang rapid test ay medical professional ang magsasagawa nito at hindi kung sino-sino lang, ayon kay Domingo.

Iginiit din ni Domingo na bagaman inaasahang ngayong linggo ay maaaring mabili na ang rapid test kits, hindi ito dapat gawin nang basta-basta ng sino man.

Dapat ay may kasamang doktor para maipaliwanag sa pasyente ang resulta at matulungan ito kung ano ang mga susunod na hakbang na gagawin kung lumabas man na positibo o negatibo sa COVID-19 ang resulta. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.