ALAMIN: Tips para di makakuha ng virus sa mga pamilihan, pinamili

ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2020 03:45 PM | Updated as of Mar 31 2020 07:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kabila ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine laban sa coronavirus disease (COVID-19), pinapayagan pa rin ang publiko na mamalengke at mag-grocery para makabili ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.

Kaya naman nariyan pa rin ang panganib na dulot ng pagpunta sa mga pampublikong lugar, dahil posibleng makuha ang SARS-CoV-2, ang virus na nagdudulot ng COVID-19. 

Bukod sa droplets, puwede ring makuha ang virus sa mga nahahawakang bagay, ayon sa public health expert na si Ayz Ligot.

Ipinayo ng mga eksperto ang pagsusuot ng face mask tuwing mamimili. Puwede rin umanong lagyan ng sapin ang credit card o pera kapag nagbabayad o kaya'y gumamit agad ng alcohol.

Puwede namang gumamit ng tissue o wet wipes kapag hahawak sa mga bagay gaya ng push cart, refrigerator o mga pinto, ayon sa epidemiologist na si Troy Gepte.

Ipinayo ng mga eksperto na hindi dapat basta-basta ipinapasok sa bahay ang mga pinamili.

Base sa pag-aaral, tumatagal ang virus nang hanggang 24 oras sa cardboard at hanggang 3 araw sa plastik.

Maaari umanong iwanan muna ang mga pinamili sa labas ng bahay nang ilang araw kung hindi pa naman gagamitin.

Puwede ring linisin o punasan ng disinfectant ang mga bote at packaging ng mga pinamili, ayon kay Gepte.

Ipinayo rin ni Gepte ang maiging paghugas sa mga prutas at gulay.

Sa takeout food at food delivery, ipinayo naman ang pagdistansiya sa taong nag-deliver.

Ipinaalala rin ng mga eksperto na mabisa pa ring panlaban sa mga virus ang wastong paghuhugas ng kamay.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.