Tubong dinadaluyan ng dumi tumagas sa eskinita sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2019 05:58 PM | Updated as of Mar 30 2019 10:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Perwisyo ang dulot ng isang ilegal na koneksiyon sa sewerage line ng Maynilad sa Tondo, Maynila matapos nitong tumagas at umalingasaw sa isang eskinita.

Sa kuhang retrato ng mga residente, makikita ang pag-apaw ng tubig na galing sa tubo ng Maynilad na dinadaluyan ng mga dumi at waste water.

"Lumalabas na po 'yung mga dumi, ang nanay ko di nawawalan ng asthma," sabi ng residenteng si Analee Valderama.

Idinulog ng Tapat Na Po sa Maynilad ang problema at napag-alamang may illegal connection sa tubo kaya bumara ito.

Hindi raw dapat na basta na lang kumonekta sa main waste water pipeline, ayon sa kompanya.

"Puwede mangyari is magbabara 'yung koneksiyon kasi mali. 'Yung mga solid waste magbabara doon magko-cause siya ng baha," ani Grace Laxa, spokesperson ng Maynilad.

Inaksiyunan ng Maynilad sa tulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang problema at nang balikan ng Tapat Na Po ay tuyo na ito.

Pinagtatanggal na rin ng mga residente ang mga tabla na nagsilbing tulay noong binaha ang lugar.

Payo ng Maynilad sa mga kostumer, wala namang bayad ang magpakonekta sa waste water pipeline pero kailangan ito ng koordinasyon sa barangay.

"Para maiwasan ang baha at bara-bara na ganyan, magpakonekta sa Maynilad para tama," sabi ni Laxa.

Umapela rin ang Maynilad sa mga opisyal ng barangay na bantayan at huwag hayaan ang illegal connection sa main pipeline para maiwasan ang problema.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.