Ilang nabiktima ng 'rent-tangay' modus, dumulog sa HPG

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2019 07:26 PM

Dumulog sa tanggapan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group ang ilang biktima ng rent-tangay at assume balance modus matapos salakayin ng PNP ang umano'y bagsakan ng mga nakaw na sasakyan sa Cainta, Rizal.

Ikinuwento ng isang alyas "Norma" ang paglapit umano sa kaniya ng isang grupo na nag-aalok na rentahan ang kaniyang SUV noong Oktubre 2017.

"'Yung mga permits na ipinakita sa amin naniwala kaming legal kasi chineck namin. Kami din nag-background check sa kanila. Hanggang sa pumalya na ang unang bayad sa amin hanggang sa sunod-sunod na," aniya.

"Tapos nag search na kami sa FB (Facebook), na-meet namin 'yung ibang biktima nila sa ganitong scheme na rerentahan sila hanggang sa hindi na sila magpapakita,” aniya.

Nagkaroon din daw ng epekto sa kaniyang pamilya ang insidente at binabalikan pa umano siya ng bangko.

"Ang hirap na panahon na nasasayang, takot na takot ka kase me naniningil na nagpupunta sa bahay,” aniya.

Naengganyo rin ang isang alyas "Alice" na i-renta ang kaniyang sasakyan pero gaya ng nangyari kay Norma ay hindi na rin daw ito naibalik sa kaniya.

May napasabak lang sa pagbebenta, tulad ni Aaron Delos Santos na nakakita ng post na naghahanap ng sasakyan.

“Hindi ko naman dapat na ibebenta pero out of curiosity gusto ko lang malaman kung magkano ang offer sa mga sasakyan na katulad nung sa akin,” aniya.

Nang maging matagumpay ang unang pagbabayad tuluyan nang ibinenta ni Delos Santos ang kaniyang sasakyan. Pero matapos noon ay nagsimula nang tumalbog ang mga tsekeng ibinibigay sa kaniya.

Paniniwala ng HPG na carjacking syndicate ang nasa likod ng nangyaring pambibiktima.

Dahil dito, nanawagan si HPG Spokesperson Richie Claravall na maging alisto at siguraduhing naaayon ang mga isinusumite at nakukuhang dokumento.

“Payo po namin sa mga taong inaalok ng nagbebenta ng sasakyan i-check kung lehitimo ang hawak na dokumento, lumapit sa HPG para macheck kung ligal ang ibinebentang sasakyan,” ani Claravall.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.