Panuntunan kapag sinita ang motorista, ipinaliwanag ng MMDA

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2018 03:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Paglagpas sa speed limit, pag-counterflow, at pagbaba sa mga pasahero sa maling lugar ang ilang madalas na dahilan kung bakit pinahihinto ng mga traffic enforcer ang mga motorista.

May mga pagkakataong nauuwi sa di pagkakaintindihan o kaya'y sa alitan ang mga pagsita ng mga enforcer.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Spokesperson Celine Pialago, may sinusunod na protocol o panuntunan ang mga traffic enforcer sa panghuhuli ng mga motorista.

Ibinahagi rin ni Pialago ang mga dapat gawin ng mga motorista sakaling pahintuin ng kanilang mga tauhan.

Una na rito ang pagtabi ng sasakyan sa isang lugar kung saan hindi siya makahaharang o makaaantala sa pagbiyahe ng ibang sasakyan.

Matapos ito'y kailangan magpakilala ng enforcer at ipaliwanag sa motorista kung ano ang kaniyang ginawang paglabag bago tiketan.

"Kailangang issue-han niya ng ticket 'yong motorista nang walang tanong, walang argumento," ani Pialago.

Mainam na iwasang mangatuwiran para hindi na magkaroon ng iba pang aberya.

"Bilang motorista, we advise na sundin na lang natin, para iwas po tayo sa kahit anong diskusyon. Iwas tayo sa kahit anong argumento, judgement call," ani Pialago.

Kasama rin sa mga responsibilidad ng enforcer ang pagpapaliwanag sa motorista kung paano at saan maaaring bayaran ang multa.

Kung magkaroon ng pagkukulang sa enforcer, maaaring magpadala ng reklamo sa Traffic Adjudication Board ng MMDA.

Maaaring mapatunayan kung may nangyari talagang paglabag o wala sa pamamagitan ng pag-review sa kuha ng mga CCTV ng mga enforcer, na ginagamit nila sa pagpapatupad ng "no-contact apprehension" policy.

"Usually kung saan nakatayo iyong aming enforcers, nandoon din 'yong CCTV," ani Pialago.

Nagbabala rin ang MMDA laban sa mga nagpapanggap bilang enforcer nila, na kunwari'y manghuhuli para mangotong sa mga motorista.

Hindi rin aniya maaaring kumpiskahin ng enforcer ang lisensiya ng motorista maliban kung nasangkot ito sa isang banggaan o katulad na insidente sa daan. 

-- Ulat nina Jeff Canoy at Toph Doncillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.