2 tauhan ng NAIA security, bistado sa umano’y pagbulsa ng pera ng dayuhan

ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2018 04:35 PM | Updated as of Mar 29 2018 04:55 PM

Bistado ang 2 tauhan ng Office for Transportation Security sa pagnanakaw umano ng pera mula sa 1 dayuhang pasahero ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 Miyerkoles.

Ayon sa airport police department, hinuli agad ang 2 tauhang nasa initial screening area ng nasabing terminal nang makuhanan sa CCTV ang pagbulsa umano nila sa 300 Australian dollars (mga P12,030 sa kasalukuyang palitan ng pera) ng isang pasaherong Hapon na tinutulungan nila sa kaniyang bagahe.

Wala pang detalye sa pagkakakilanlan ng 2 tauhan.

Ayon sa NAIA, naitala ang pinakamataas na bilang ng pasahero sa naturang paliparan nitong Miyerkoles.

Nasa 131,000 pasahero ang dumating sa NAIA at kalahati ng bilang na iyan ay dumaan sa Terminal 3.

Karaniwang kumakaunti ang bilang ng pasahero pagsapit ng Huwebes Santo at muling darami pagsapit ng Linggo ng Pagkabuhay. -- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.