P700,000 halaga ng pekeng yosi, nasamsam sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2019 07:20 AM

MAYNILA - Nasamsam ng mga pulis ang higit P700,000 halaga ng pekeng sigarilyo sa Tondo, Maynila Miyerkoles ng gabi.

Arestado naman ang drayber at pahinante ng delivery van.

Ayon kay Police Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo ng Raxabago police station, ikinasa ang operasyon matapos makatanggap sila ng sumbong ukol sa ilegal na gawain.

Natagpuan ang mga sigarilyo na nakasilid sa 29 na kahon sa isang nakaparadang van.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, ibinebenta ang mga ito ng P15 kada kaha, mas mura kaysa sa orihinal na produkto.

Nasa Kamaynilaan lang din umano ang warehouse ng mga pekeng sigarilyo na inihahatid sa Visayas hanggang Mindanao.

Kakasuhan ang mga hinuli ng paglabag sa Republic Act 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines. - Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.