Kagawad patay sa police ops sa Maynila; P2.3-M droga nasamsam

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2019 05:54 PM | Updated as of Mar 28 2019 10:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay sa pamamaril ang isang barangay kagawad sa isinagawang police operation sa Sampaloc, Maynila nitong Huwebes ng hapon. 

Napatay ang kagawad ng Barangay 561 na si Ronnie Labongray Jr. matapos umanong manlaban sa mga tauhan ng National Capital Region Police Office nang magsisilbi na umano sila ng search warrant sa kaniyang bahay. 

Naisugod pa raw sa ospital si Labongray pero idineklara na itong dead on arrival. 

Arestado rin ang tatlong iba pa umanong nahuli sa aktong gumagamit ng droga na nakilalang sina Ronelyn Labongray, Alfredo Joanino, at Jeffrey Gallaron. 

Nadiskubre sa bahay ni Labongray ang tinatayang 350 gramo ng shabu na nagkakahalagang P2.3 milyon. 

Nakuha rin sa pag-iingat umano ni Labongray ang isang kalibre .45 baril na may laman umanong mga bala. 

Ayon kay NCRPO Chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar, 2017 nang unang maaresto si Labongray dahil sa ilegal na droga pero pinalaya matapos ibasura ang kaso laban sa kaniya. 

Dagdag niya, kabilang umano sa poltical narco list ng PDEA si Labongray at dawit umano ito sa isang notoryus na grupong sangkot sa drug trafficking activities na pinapatakbo sa Maynila at Quezon City. 

Konektado rin umano si Labongray sa mga tinaguriang "ninja cops" ng Manila Police District na sina PO2 Joel Padre Juan na napatay sa hiwalay na engkuwentro sa Sampaloc, Maynila noong 2017.

Inihahanda na ang kaso laban sa tatlong nahuli para sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. 

-- Ulat nina Jerome Lantin at Johnson Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.