Babae, huling nagnakaw ng de lata, beauty products sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2019 07:47 AM

MAYNILA - Arestado ang isang babae matapos mahuling magnakaw ng ilang de lata at beauty products sa isang supermarket sa Barangay Pulang Lupa Dos, Las Piñas City Miyerkoles ng hapon.

Narekober sa 25 anyos na suspek ang nasa P500 halaga ng bilihin na inilagay niya sa dalang eco bag.

Ayon kay Police Executive Master Sgt. Roland Abraham ng Las Piñas City police, napansin ng guwardiya ang paglalagay ng suspek ng mga de lata at beauty products habang namimili ito alas-4:30 ng hapon.

Pagdating sa counter, hindi umano ito inilabas ng suspek at binayaran lamang ang biniling instant noodles.

Depensa ng suspek, may dala siyang pera at balak niyang bayaran ito. Wala siyang trabaho at nakikitira sa kaniyang pinsan.

Nakadetine sa Las Piñas City police ang babae na mahaharap sa kasong theft. - Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.