Parking attendant, inaalagaan ang na-stroke na ama kahit nasa trabaho

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2018 04:46 PM | Updated as of Dec 31 2018 03:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ika nga nila, "ang ama ang haligi ng tahanan."

Pero para sa mag-amang sina Romy at Gilbert Jacob, baligtad ang paggampan sa mga papel dahil ang anak na si Gilbert ang nagsisilbing tukod para sa amang si Romy, na biktima ng stroke.

Kayod kalabaw si Gilbert bilang parking attendant sa Manila Traffic and Parking Bureau para mapunan ang mga pangangailangan nila ng ama.

Bukod sa pagiging parking attendant, suma-sideline din sa paglilinis ng mga sasakyan at pagtitinda ng balut si Gilbert, na sa ngayo'y walang asawa o anak.

May mga pagkakataon ding sinasama ni Gilbert ang ama habang siya ay nasa trabaho.

"Kung sa bahay, okay sana kaso medyo nahihiya ako," sabi sa DZMM ni Gilbert. "Concerned iyong may-ari ng bahay [namin] sa tatay ko kaso iba na rin siyempre 'yong ikaw 'yong nag-aasikaso."

Sa halip na mayamot sa bahay ay nagsisilbi ring libangan umano para sa ama ang pagsama sa trabho.

"Mayroon po doon space na nandoon lang siya sa isang gilid na medyo kumportable na lang siya," kuwento ni Gilbert.

"Minsan matatawa ka kasi namamalimos siya."

Watch more in iWant or TFC.tv

Kuwento ni Gilbert, noong unang beses na ma-stroke ang kaniyang ama ay ang mga kapatid niya pa ang nag-alaga rito. Subalit nang ikalawang pagkakataon ay ibinigay na sa kaniya.

"Noong pangalawang stroke na, ibinigay na sa'kin, bihira naman sila pumasyal," aniya.

Sa halip na tingnan bilang pasanin, itinuturing ni Gilbert bilang inspirasyon ang ama para pagbutihin pa sa trabaho.

"Kahit ano man mangyari, 'di ko [siya]puwedeng iwanan dahil kung 'di dahil sa kaniya, wala ako sa aking kinalalagyan," sabi ni Gilbert.

Sa ngayon, nais ni Gilbert na makaraos sa bawat araw nang hindi pumapalya ang kalusugan at malampasan ang bawat pagsubok na dumating.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.