Drayber, iginiit na wala siya sa trak na mitsa ng karambola sa Taal

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2018 10:01 PM

• 7 patay sa insidente
• Drayber, 'tumakas' pero sumuko kalaunan
• Kaanak ng biktima, nananawagan ng hustisya

Sumuko na ang drayber ng trak na pinagmulan umano ng karambola Miyerkoles ng umaga na ikinasawi ng pito sa Taal, Batangas. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang oras ang lumipas bago humarap sa pulisya ang drayber na si Alejandro Villena na umano'y tumakas nang sumalpok ang minamaneho niyang trak na may dalang sugar cane o tubo sa isa pang trak na nakaparada sa gilid ng kalsada na may dala ring mga tubo.

Iginiit ni Villena na wala siya sa loob ng trak nang mangyari ang insidente.

"Sa bigat ng karga namin [sa truck], kahit 'yan ay mahina ang lakad niyan [truck], itutulak 'yan dahil mabigat ang karga namin... wala po [ako sa loob ng truck]," ani Villena.

Aniya, nakaparada rin siya noon at kagigising lang.

Pinainit lang daw niya ang makina bago siya bumaba ng trak nang bigla na lang itong umandar.

Nasalpok din ang ilan pang sasakyang nakaparada sa kalsada, pero ang ikalawang trak ang umararo sa isang kainan na nataong maraming customer na nag-aalmusal.

Pito ang patay habang lima ang sugatan nang araruhin ng trak ang karihan.

"Ako po ay humihingi ng patawad sa inyo at hindi po namin sinasadya," ani Villena.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulis, maayos ang preno ng trak kaya lumalabas na may kapabayaan talaga ang driver.

Kakasuhan si Villena ng reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injury, and damage to property.

Sumuko na rin ang drayber ng isa pang trak na nabangga.

PANAWAGAN NG MGA NAULILA

Nananawagan naman ng hustisya ang mga naiwang kaanak ng mga nasawi sa insidente.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Sana naman tulungan nila kami kasi walang wala rin ho kami," naiiyak na pakiusap ni Bernalita Morale, isa sa mga nabiyuda sa salpukan.

"Oo, aksidente 'yan pero kailangan mag-ingat sa pagmamaneho... Sana po naman ay matulungan kami... mabigyan ng magandang burol ang aking anak," pakiusap ni Maria Aguado na namatayan ng anak sa insidente. 

Nangako namang magpapaabot ng tulong pinansiyal ang lokal na pamahalaan sa mga kaanak ng nasawi at mga sugatan sa insidente.

Dati na umanong may naaksidente sa parehong kalsada sa Taal kaya nagtakda na ng speed limit ang lokal na pamahalaan. Nagpapakabit na rin ng CCTV sa paligid.

May ilang kandila namang itinirik sa lugar bilang pakikidalamhati sa mga nasawi sa insidente.

-- Ulat nina Jervis Manahan, Angel Movido, at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.