ALAMIN: Lagay ng mga terminal, paliparan sa pagsisimula ng Semana Santa

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2018 04:17 PM

Dagsa na sa mga bus terminal at paliparan ang mga pasahero na uuwi sa probinsiya at magbabakasyon ngayong Miyerkoles Santo.

Sa Araneta Center Bus Station sa Cubao, Quezon City, patuloy ang pagdating ng mga bibiyahe lalo na't half-day ang trabaho sa mga opisina ng gobyerno at pasok sa public schools.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa estima ng mga pulis, nasa 600 ang bilang ng mga pasahero sa bus terminal ngayon ngunit inaasahang tataas pa ito anumang oras.

Marami umano sa mga pasahero ay chance passengers at maagang pumunta sa terminal sa takot na maubusan ng puwesto sa bus.

Naubos na rin umano ang mga unit ng ilang bus companies kaya hindi na muna sila nagbebenta ng ticket sa mga pasahero.

Sa tala naman ng Philippine Red Cross, simula alas-8 ng umaga ay nasa 9 na pasahero na ang nagpatingin ng blood pressure matapos makaramdam ng pagod at hilo.

Sa ngayon ay wala pang naitatala ang mga pulis na kaguluhan o "untoward incident" sa bus terminal.

Samantala, inaasahan na mahigit 120,000 pasahero ang dadaan ngayon sa mga paliparan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Watch more in iWant or TFC.tv

Ito na umano ang pinaka bulto ng mga pasahero ngayong Holy Week.

Sa NAIA Terminal 3, mahaba na ang pila ng mga pasahero sa initial screening area at mahigpit na rin ang seguridad.

May help desk sa gitna ng terminal gaya ng medical, public relations, airport police, at operations.

Pinayuhan ng pamunuan ang mga pasahero na maglaan ng dalawang oras bago ang domestic flight, habang tatlong oras naman para sa international flight.

--Ulat ni Joyce Balancio at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.