Lalaki, pinagtataga ng kainuman sa Makati

Raffy Santos, ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2017 06:10 PM

Halos mapugutan ng ulo ang biktimang nakilalang si Ronald Rivera matapos siyang tagain hanggang mapatay nang nakaaway na construction worker sa Makati City.

Ayon sa Makati City Police, nag-iinuman ang biktima at ang suspect na si Ricky Gomez kasama ang iba pang mga lalaki bago mangyari ang insidente.

Pinipilit umanong mangutang ni Rivera kay Gomez at nang tanggihan siya nito, sinuntok at pinaso niya ito ng sigarilyo sa leeg.

Dito na umano nagdilim ng paningin ni Gomez na kumuha ng itak at pinagtataga sa ulo ang biktima.

Agad namatay sa sunod-sunod na tama ng itak ang biktima.

Sinubukan pang ikubli ng suspek ang krimen at itinapon sa isang imburnal sa loob ng construction site ang bangkay ni Rivera pero naaktuhan umano siya ng kanyang mga kasamahan.

Ayon sa salaysay ng nakakita sa krimen, inamin ng suspek ang nagawa sa kanyang mga kainuman at kalaunay sumuko rin ito sa mga pulis.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kunan ng pahayag si Gomez pero tumanggi itong magsalita.

Nahaharap sa kasong murder ang suspek na nakapiit ngayon sa Makati City police station.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.