2 patay, 4 sugatan sa engkwentro sa checkpoint sa Negros Occidental

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2020 09:19 PM

MURCIA, Negros Occidental - Isang barangay kagawad ang patay habang apat na tanod ang sugatan matapos silang pagbabarilin ng dalawang lalaking naka-motorsiklo sa isang checkpoint sa bayan ng Murcia, Negros Occidental nitong Huwebes.

Ayon sa pulisya, nagbabantay sa checkpoint ang ang kagawad na si Rex Dalmacio at mga tanod para sa pagpapatupad ng curfew sa Barangay Minoyan nang dumaan ang mga salarin alas 11 ng gabi.

Pinahinto ang mga suspek pero laking gulat na lang ng mga opisyal ng barangay ng bumunot ng baril ang isa sa mga salarin at nagpaputok sa kanila.

Nagpaputok din si Dalmacio gamit ang kanyang baril at natamaan ang isa sa mga salarin, na nasawi.

Gumanti ang kasama ng nasawi at binaril si Dalmacio, na namatay din.

Dinala naman sa ospital ang apat na mga tanod na nasugatan sa pamamaril.

Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa nakatakas na salarin na hindi pa alam ang pagkakakilanlan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.