Umano'y tulak ng droga, patay matapos 'manlaban' sa Laguna

Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2019 10:02 PM

Patay ang isang umano'y tulak ng ilegal na droga matapos barilin ng mga pulis sa isang buy-bust operation ng pulisya sa bayan ng Pakil, Laguna nitong Miyerkoles ng hapon. 

Kinilala ang suspek na si Leandro Pacheco alyas Bong.

Hinabol umano ng mga awtoridad ang suspek na una umanong nagpaputok nang malamang pulis ang ka-transaksyon.

Napuruhan ito at tuluyang bumulagta sa loob ng bahay.

Narekober mula sa suspek ang 1 sachet ng hinihinalang shabu, P9,000 buy-bust money, at kalibre .45 na baril.

Lumalabas naman sa imbestigasyon ng Laguna Police na miyembro rin ng isang gun-for-hire group ang napatay na suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.