Sekyu patay sa pamamaril sa Bacolod City

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2019 02:51 AM

BACOLOD CITY - Dead on the spot ang isang security guard matapos pagbabarilin sa Barangay Alangilan sa Bacolod City Martes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Rolando Herdon Jr., 43 taong gulang.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, tatlong hindi pa nakikilalang salarin ang pumunta sa lugar. Dalawang gunmen ang naghihintay sa daraanan ng biktima, habang ang isa naman ay nakabantay sa labasan.

Binaril ang biktima sa madilim na bahagi ng Purok Buro-Buro sa Barangay Alangilan.

Ayon sa mga residente, lahat ng salarin ay naka-face mask.

Nakatakbo pa ang biktima matapos ang pamamaril ngunit hindi na nakalayo dahil sa mga tinamong sugat. Hinabol rin ito ng mga gunmen at saka muling binaril.

Nakuha sa lugar ang mga basyo ng bala ng kalibre .45 na baril.

Ayon sa asawa ng biktima, nagtatrabaho si Herdon bilang guwardiya sa isang pribadong ospital. 

Hindi rin ito ang unang beses na binaril ito. Noong ika-3 ng Enero, binaril ito sa isang simbahan sa Bacolod City. Nagtamo ito ng tama ng bala sa likod at nakaligtas sa pamamaril.

Ayon sa pulisya, maaring iisang grupo lang ang responsable sa dalawang insidente ng pamamaril.

Away sa lupa ang isa sa mga motibong tinitingnan sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.