Pag-aalis ng provincial bus terminals sa Metro Manila, inalmahan

ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2019 07:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umaalma ang mga bus operators sa nakaambang pagsara ng mga provincial bus terminals sa buong Metro Manila sa perwisyong maaaring idulot nito sa mga commuter at tsuper. 

Ito ay matapos sabihin ng Metropolitan Manila Development Authority na isasara ang nasa 96 provincial bus terminals sa Kamaynilaan at ilipat ang kanilang operasyon sa interim o common terminals sa Sta. Rosa sa Laguna at sa Valenzuela City. 

Aprubado na ito ng 17 local government units at nakatakdang ituloy ito sa Hunyo. 

Ayon kay Alex Yague, pinuno ng Provincial Bus Operators Association, madadagdagan ang pamasahe at oras sa biyahe ng mga commuter sa pagpapalipat-lipat nila ng sasakyan. 

"Malaking kawalan at inconvenience (ang closure) sa mga mananakay lalo 'yung manggagaling sa probinsiya," ani Yague. 

"Bukod sa dagdag-pamasahe, dagdag-oras para makarating doon sa kanilang pupuntahan," dagdag niya. 

Dagdag pa ni Yague na pahirapan na ngayon pa lang ang pag-abang sa city bus, UV express, o jeep pagbaba ng mga pasahero sa dalawang interim terminals. Lalong "pahirap" din daw ito sa mga may dala-dalang kargamento. 

Dinepensahan naman ni MMDA General Manager Jojo Garcia ang panukala, na layon umanong tapusin ang nakagawiang pagbaba ng mga pedestrian sa kung saan-saang lugar. 

"Hindi naman 'yung (interim) terminal ang final destination nila (pasahero) eh. From province pupunta ng terminal 'yan lilipat din naman sila 'di ba?" ani Garcia. 

"Nasanay kasi nga na nakakababa sila kahit saan, which is bawal. So ngayon ipapatupad namin bawal na mag-load-unload," dagdag niya.

Ayon pa kay Garcia, bababa ang singil ng mga provincial bus dahil mas maikli na ang kanilang biyahe at mas magiging mura na ang pasahe ng mga commuter. 

Pero buwelta ni Yague na mas dehado ang sasahurin ng kanilang mga tsuper at tataas ang kita ng mga city bus. Pangamba rin ni Yague na ilipat nito ang trapik sa mga pinaglalagyan ng interim terminal. 

"Kung nasa loob ng Maynila ang mababawasan ang traffic, doon sa interim terminals na 'yan, doon naman magkakaroon ng napakalaking traffic, ililipat lang natin doon," aniya. 

Dapat na lang daw mabigyang pansin ang dagdag sa pribadong sasakyan, na umabot na umano sa 80 porsiyento. 

"Bakit natin bibigyan ng focus 'yung five percent samantalang yung 80 percent ito 'yung mga pribadong sasakyan?" ani Yague. 

Pero tiniyak ng MMDA sa pagsasara ng provincial buses ay didire-diretso na ang mga biyahe sapagkat luluwag na ang yellow lanes na dinaraanan ng mga bus kapag wala nang mga chokepoints na bunga ng mga terminal. 

Magsasagawa ng dry run ang MMDA ng pagsasara ng mga bus terminal pagkatapos ng Semana Santa para matukoy kung matutuloy ang pagsasara ng provincial bus terminals sa Hunyo. 

Una nang nilinaw ni Garcia noong umaga ng Martes na hindi nila pagsasabay-sabayin ang pagpapasara ng mga terminal. 

"Sanayin natin ang city buses na dumadaan diyan sa Valenzuela at Sta. Rosa habang ida-dry run natin ang provincial bus para pagbaba ng mga tao eksakto meron silang lilipatan na agad," aniya sa panayam sa DZMM. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.