Freelance DJ arestado sa droga sa Boracay

ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2019 02:29 PM

Timbog ang isang disk jockey sa buy-bust operation ng Malay Police nang mahulihan ng droga sa kaniyang condominium unit sa Boracay. 

Arestado ang suspek na si Reuben Mendoza, 35, na nagtatrabaho bilang freelance disk jockey sa Boracay.

Ayon sa mga pulis, nakabili umano ang kanilang asset ng isang pakete ng shabu na nagkakahalagang P1,100 sa loob ng condominium ng suspek nitong Lunes. 

Nakarekober pa ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu at tatlo pang pakete ng hinihinalang cocaine nang i-inspect ang suspek. 

Galing pa umano sa Maynila ang suplay ng droga ng suspek at dinadala sa isla gamit ng RoRo sa Caticlan, ayon kay Malay Police chief Police Capt. Mark Gesulga. 

Paniniwala din ni Gesulga na nakakakuha ng kustomer si Mendoza sa kaniyang pakikipag-trabaho sa mga dayuhang parokyano. 

Nakapiit si Mendoza, na kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. -- Ulat ni Bea Zaragosa, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.