Duterte minamadali na makipagkasundo kay Nur Misuari

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2019 01:19 AM

MAYNILA - Muling nagpahayag ng kahandaan si Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng kasunduan sa Moro National Liberation Front (MNLF) nitong Martes.

Sa kaniyang talumpati sa Koronadal City, sinabi ng Pangulo na nagmamadali na siya para magkaroon na sila ng kasunduan ni MNLF chair Nur Misuari.

Umaasa aniya ang Pangulo na makahanap sila panahon ni Misuari para ma-plantsa na ang kanilang pagkakaiba at makahanap ng isang kondisyon na sasangayunan ng magkabilang panig.

Matatandaang kamakailan lang ay ilang beses nakapag-usap sa Malacañang sina Duterte at Misuari kung saan nagbabala umano ang MNLF leader na lulusong siya sa giyera kung hindi matutuloy ang pederalismo sa bansa.

Samantala, inihayag din ni Duterte sa kanyang talumpati na kinausap ang isang prosecutor para hulihin muli ang pinalayang suspek sa pagkakapatay sa teenager Cebu City. 

Ipinakita rin ng Duterte na hawak niya ang isang listahan ng mga pulis na sangkot aniya sa katiwalian o iyong mga ninja-cops na nangingikil sa mga negosyanteng Chinese.

Bukod kay Eduardo Acierto, kasama rin sa listahan ang dating mataas rin na opsiyal ng Philippine Drug Enforcement Agency na si Ismael Fajardo na umano’y nagrerecycle at nagtatanim aniya ng droga.

Inakusahan rin ni Pangulo sina Acierto na inipit umano si Lt. Col. Ferdinand Marcelino na naaresto noon dahil sa sinasabing pagkasangkot rin sa droga.

Samantala, inihayag rin ni Duterte na ayaw raw niya magkaroon pa ng selebrasyon para sa kanyang darating na kaarawan

Gusto lang daw niya na matulog sa bahay sa Davao City at makasama ang kaniyang mga anak at apo.

Sa Huwebes, Marso 28, ang ika-74 na karawan ng Pangulo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.