Babaeng nanloko, nangikil sa kaibigan timbog sa Bacoor

ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2019 03:35 PM | Updated as of Mar 27 2019 10:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado sa isang entrapment operation ng Bacoor City police ang isang babaeng nanggoyo at nangikil pa sa kaniyang kaibigang humigi ng tulong para sa prangkisa ng dalawa nitong trak. 

Lunes ng gabi ay nahuli si Ferri Wincle Galicia, 44, sa isang restoran sa Bacoor City, Cavite matapos tanggapin ang marked money na P20,000 mula sa biktimang si alyas "Daisy."

Kuwento ni Daisy, Setyembre 2018 nang kontakin niya si Galicia, na kaibigan at kaklase niya noong kolehiyo, para magpatulong sa pag-asikaso ng prangkisa ng kaniyang dalawang truck.

May kakilala umano kasi ang nobyo ni Galicia sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Unang humingi si Galicia ng P32,000 na agad naman daw binigay ni Daisy. 

Sumapit ang Oktubre ay humingi muli ng P50,000 ang suspek, at P45,000 pa noong Disyembre. 

Pero lumipas na ang ilang buwan ay wala pa ring prangkisa ang dalawang trak kaya nagduda na si Daisy sa pinagkakatiwalaang kaibigan.

"Dito ko nalaman na wala pang P10,000 ang bayad sa pag-process, eh lagpas P95,000 na ang ibinayad ko sa kaniya... Ang simple lang pala ng proseso," pagsisisi ni Daisy.

Nang umatras si Daisy sa transaksiyon nila ni Galicia, nanghingi pa daw ang suspek ng P30,000 para ibalik ang mga dokumento ng biktima. 

"Nagpapabayad na naman siya ng P30,000 para daw ma-release ang documents. Nasa kaniya ang ID ng husband ko. Dito ko na nasabing niloloko na talaga ako," giit ni Daisy. 

Doon na ikinasa ang entrapment operation para matimbog ang suspek.

Kasalukuyan nang nakakulong si Galicia dahil sa kasong robbery extortion.

Sinampahan din ng kaparehong kaso ang nobyo ni Galicia na si Arnold Agbon, na pinaghahanap pa ng mga pulis.

Nanawagan si Police Lt. Col. Vicente Cabatingan ng Bacoor City police sa iba pang nabiktima ng mga suspek na makipag-ugnayan sa pulisya.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.