5 anyos patay matapos kumain ng puffer fish

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2019 10:20 PM

LAPU-LAPU CITY - Patay ang isang 5 anyos na batang lalaki habang na-ospital ang pitong miyembro ng pamilya niya matapos kumain ng puffer fish o butete.

Martes ng umaga nang kumain ng puffer fish para sa almusal ang pamilya.

Namatay ang bata pitong oras matapos makakain ng puffer fish. Isinugod naman sa ospital ang ama, ina at limang kapatid ng bata matapos sumakit ang ulo at tiyan, at magsuka.

Nakatira sa Barangay Pangan-an sa Lapu-Lapu City ang apektadong pamilya.

Nitong Miyerkoles, nakalabas na sa ospital ang mga magulang ng batang namatay, habang nagpapagaling pa sa ospital ang lima niyang kapatid.

Isasailalim sa pagsusuri ang mga bata para malaman kung totoong ang pagkain ng puffer fish nga ang dahilan ng kanilang pagkahilo.

Ang puffer fish o butete ay nakakalason kung hindi tama ang paghahanda nito. Sa Japan, fugu ang tawag dito at itinuturing itong delicacy na mga ekspertong kusinero lang ang pwedeng maghanda. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.