1 patay, 22 sugatan sa salpukan ng bus, truck sa Bukidnon

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2019 08:36 PM

Kuha ni John Lester Lumigoy

VALENCIA CITY, Bukidnon- Isa ang patay habang 22 ang sugatan matapos magsalpukan ang isang pampasaherong bus at truck sa lungsod nitong Miyerkoles ng hapon.

Sugatan ang 17 pasahero ng bus at 5 pulis na sakay ng bongo truck.

Isa naman ang namatay dahil sa pagkakaipit sa bus. Ayon sa pulisya, hindi pa nila matukoy kung pasahero ito ng bus o pedestrian na nadamay sa aksidente.

Wala ring pagkakakilanlan ang biktima.

Mula Malaybalay City ang mga pulis para sa kanilang physical fitness training at pabalik na sana sa Kalilangan Municipal Police Station nang mangyari ang insidente.

Iiwasan sana ng bus ang truck pero matapos mabangga, nahulog ang bus sa gilid ng daan.

"Nawalan ng kontrol ng manibela ang driver ng bongo truck dahil madulas ang daan," sabi ni Police Lt. Col. Ritchie Yandug, hepe ng Valencia City Police Station.

Nagpapagamot pa sa iba't ibang ospital ang mga sugatan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.