Umano'y scammer na nag-aalok ng investment, timbog

ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2018 05:27 PM | Updated as of Dec 27 2018 09:59 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Huli sa entrapment operation sa Lucena City ang isa umanong negosyanteng nagpanggap na miyembro ng Masons matapos ang tangkang panggagantso sa isang dating overseas Filipino worker (OFW). 

Inireklamo ang suspek matapos ang panloloko umano sa biktimang si Bernadette Pereda. Anim na taong naging OFW sa Dubai si Pereda at ang kaniyang naipon, ipinampuhunan niya sa online selling business.

Bilang pandagdag, nag-aalok umano ang suspek ng isang online selling package ng mga produkto sa halagang P40,000.

"Siyempre naging interesado ako kasi as of now ako ay nagbu-buy and sell, online selling...Ang inalok nila 'yung reseller package," kuwento ni Pereda.

Tinanong pa raw si Pereda ng detalyadong financial status ng kaniyang buong pamilya na may kinalaman umano sa feng shui.

Maging savings at suweldo ng asawa ni Pereda, inalam daw ng suspek.

Hiningan pa raw siya ng P80,000 na ilalagay umano sa ampao.

Lalo pa siyang nagduda nang walang maipakitang ID o lisensiya ang katransaksiyon dahil "Freemason" na raw ito at kasama na sa kapatiran.

Doon na nagdesisyon si Pereda na isuplong sa pulis ang suspek.

"Magaling siyang magsalita, tingin ko marami na siyang nabiktima," ani Superintendent Vicente Cabatingan, hepe ng Lucena City Police. 

Itinanggi rin ng mga kinatawan ng Masons na miyembro nila ang suspek.

Samantala, dumepensa naman ang suspek na lehitimo ang kaniyang inaalok na negosyo.

"Gusto ko lamang makasiguro na siya ay willing mag-negosyo...Legitimate po itong business," ani Uson. 

Hawak ngayon ng Lucena City police ang suspek at isa pang kasabwat na haharap sa kasong 4 counts ng estafa.

--Ulat ni Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.