Lalaking 'napikon' sa nag-counterflow, nanapak, nagpaputok ng baril

ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2018 11:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinutugis ngayon ng pulisya ang isang lalaking sakay ng motorsiklo na nakuhanan sa CCTV na nanutok at nagpaputok ng baril at nanapak pa ng isang tricycle driver sa Novaliches, Quezon City, noong Lunes. 
    
Sa kuha ng CCTV sa kahabaan ng Bagbag Road, makikita ang pagdaan ng lalaking naka-motor ngunit maya-maya ay hinarang na niya ang kasunod na tricycle habang hawak ang isang baril.

"Nagalit siya kasi nagka-counterflow daw kami," ayon sa tricycle driver na si alyas "Bong."

Kasunod nito, pinaputok ng lalaki ang baril pababa at sinapak ang tricycle driver. Napatakbo na lang sa takot ang angkas ng tricycle driver. 

Ayon sa tsuper, lasing ang nag-amok na lalaki.

Pati ang mga nagdaraang tricycle, nilapitan at tila hinamon din ng lalaki.
    
Binalikan pa niya ang tricycle driver na nakaalitan para suntukin at muling pinagsisigawan at binantaan ang ilang dumaraang motorista.

Rumesponde ang mga opisyal ng barangay ngunit hindi na nila naabutan ang salarin. 

Nagpa-blotter sa Station 4 ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktimang tricycle driver.
    
Nanawagan naman ang barangay at pulisya na i-report sa kanila ang anumang impormasyon sa pagkakakilanlan ng lalaki.
    
Sinisilip na rin ng Philippine National Police (PNP) ang mga CCTV sa lugar para makuha ang plate number ng motor ng lalaki.
    
--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.