Dagsa ng mga biyahero, pinaghahandaan sa expressway, airport

ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2018 10:59 PM

• Emergency booths, ambulant tellers, libreng towing, nakahanda sa SLEX, NLEX
• 'Flights pa-Boracay, di pa kanselado'
• Alternatibong ruta sa isasarang bahagi ng Elliptical Road, inilatag
• Bakasyonista pinayuhang huwag mag-post ng may '#ATM'

Handa na ang ilang expressway at paliparan sa inaasahang dagsa ng mga biyahero simula Miyerkoles Santo, Marso 28, lalo pa't suspendido na ang pasok sa gobyerno at mga pampublikong eskuwelahan sa Miyerkoles simula alas-12 ng tanghali at regular holidays ang Huwebes at Biyernes Santo.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa South Luzon Expressway (SLEX), inaasahang 10 porsiyento ang itataas ng bilang ng mga motoristang dadaan doon para makapunta sa mga probinsiya sa timog na bahagi ng Luzon. 

Kaya naman bukod sa pagdagdag ng collection booths at ambulant tellers, nagdagdag na rin sila ng serbisyo para sa mga motorista tulad ng libreng mechanical troubleshooting at emergency booths.

Partikular ding babantayan ang exits kung saan madalas magkaroon ng bottleneck o maipon ang mga sasakyan gaya ng Skyway-Alabang, Calamba toll plaza, at Ayala toll plaza. 

Gaya sa SLEX, may mga serbisyo ring nakaantabay sa North Luzon Expressway (NLEX) para sa mga motoristang mangangailangan ng tulong tulad ng libreng tawag, wifi, at serbisyong medikal.
 
Simula rin alas-6 ng umaga ng Miyerkoles, may libreng towing services sa NLEX.

Inaasahang magiging mas mabilis naman ang pila ng mga sasakyan sa toll plaza dahil madadagdagan na ang toll collection points ngayong Semana Santa.

Ang Bocaue toll plaza, mula 33, aakyat ng 60 ang collection booths; sa Mindanao Avenue, mula anim magiging 10 na ang collection booths; Sa Tarlac, mula anim ay gagawing 29 ang collection booths. 

Paalala ng pamunuan ng NLEX at SLEX, siguruhing nasa maayos na kondisyon, hindi lang ang sasakyan, kundi ang mismong mga magmamaneho para maiwasan ang anumang aberya sa daan.

BORACAY FLIGHTS

Inaasahang mahigit sa 124,000 pasahero ang dadaan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) complex at 58,000 sa bilang na ito ang dadaan sa NAIA Terminal 3 sa Holy Week break.

Watch more in iWant or TFC.tv

Para mas mabilis na makapasok ang nakapila, binuksan na lahat ng gates ng NAIA Terminal 3.

Simula kahapon, walang naitalang nakansela o matagalang delayed flights, ayon sa Manila International Airport Authority.

Hindi rin tulad nang dati, mas mabilis na ngayon ang pila sa immigration.

Kompleto rin ang mga immigration officer sa booth.

Inaabisuhan pa rin ang mga pasahero na maglaan ng dalawang oras para sa domestic flights at tatlong oras sa international flights para hindi maabala sa pila o magmadali.

Sa pahayag ng Cebu Pacific, wala pang mga pagbabago sa flights para sa mga pupunta sa Boracay para sa bakasyon.

Kung sakali man daw na kailangan nang magkansela ng flights kung matuloy na ang pagsasara ng isla, inaalok ng naturang airline ang full refund or pag-transfer sa ibang destinasyon.

"In the event we are required to cancel services, we will offer full refunds along with opportunities to transfer to other destinations where seats are available," saad ng pahayag ng Cebu Pacific.

Handa rin ang Philippine Airlines na magpalit o magbago ng schedule ng flight patungong Caticlan at Kalibo, pati ang pag-rebook at refund sa mga pasahero kung kinakailangan.

"Philippine Airlines will be ready to make the appropriate adjustments to schedules of flights to and from Caticlan (Boracay) airport and Kalibo International Airport. We will be ready to assist passengers in rebooking, refunding and rerouting their flights in such a scenario," saad ng pahayag ng Philippine Airlines.

ALTERNATIBONG RUTA SA ELLIPTICAL

Watch more in iWant or TFC.tv

Matinding trapik naman ang inaasahan sa intersection ng Commonwealth Avenue at Elliptical Road pagbalik ng mga motorista mula sa Semana Santa dahil sa paghuhukay na gagawin ng MRT-7. 

Nitong Martes, sinubukan na ng MMDA na palayuin sa bahagi ng Philcoa ang mga sasakyan at pasahero.

Sa Philcoa kasi ang sakayan at babaan na humaharang naman sa mga papasok na motorista ng Commonwealth Avenue.

Kaya inabisuhan ang mga driver na magsakay at magbaba malapit sa C.P. Garcia.

Itinuturo na rin sa mga pasahero na maglakad pa palayo at huwag maghintay sa may Philcoa. 
    
Tinatanggal na tuwing gabi ang island kung saan tumatayo ang mga pasahero pati ang loading at unloading signs.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), umaabot sa 60,000 sasakyan ang dumadaan sa Commonwealth lalo na kapag rush hour kaya mahalagang nasa mahigit isang minuto lang magbababa o magsasakay ang mga pampasaherong sasakyan sa Philcoa.

Simula tanghali ng Marso 29, sasakupin na ng contractor ng MRT-7 ang dalawang lanes sa kanto ng Commonwealth Avenue at tatlong lanes sa Elliptical Road.

Kaya hangga't maaari, iwasan na ang nasabing intersection at gumamit ng alternatibong ruta.

Kung manggagaling ng Edsa at Quezon Avenue, gamitin ang inner lane ng Elliptical Road, lagpasan ang Commonwealth intersection, pumasok ng Visayas, kumanan sa Central Avenue, at mag-U-turn sa Commonwealth sa tapat ng UP Asian Institute papuntang Fairview.

Kung galing naman sa norte, gamitin ang Congressional Avenue, diretso sa Visayas Avenue, kumaliwa sa Central Avenue, at mag-U-turn din sa Commonwealth sa tapat ng UP Asian Institute papuntang Fairview.

Kung galing naman sa southern o eastern side ng Metro Manila, pumasok sa White Plains Avenue, diretso hanggang Katipunan at Tandang Sora, at pagkatapos ay kumanan sa Commonwealth papuntang Fairview.

Mga parehong ruta rin ang maaaring gamitin kung manggagaling naman ng Commonwealth.

Nitong Martes, halos isang oras ang biyahe mula Fairview hanggang Philcoa pa lamang. 

Pero asahang malaki ang idadagdag sa oras ng biyahe simula sa susunod na linggo.

Batay sa simulation data ng MMDA, kapag naisara na ang mga linya para sa MRT-7, madadagdagan ang travel time o oras ng biyahe sa Commonwealth Avenue ng 25 porsiyento.

Katumbas iyan ng 15 minutong dagdag sa kada isang oras na dating tagal sa biyahe sa Commonwealth.

UMIWAS SA '#ATM'

Nakiusap ang pulisya na iwasan muna ang pag-post ng may "#ATM" o "hashtag at the moment" sa social media kung magbabakasyon sa ibang lugar ngayong Semana Santa.

Karaniwan kasing hashtag ito ng mga post na kasalukuyang nangyayari o nararanasan ng netizen.

Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), delikado ang maya't mayang pagpo-post ng mga ginagawa o kinaroroonan ng mga bakasyunista.

Malalaman kasi ng mga kawatan tulad ng mga magnanakaw o "akyat-bahay" na wala ang netizens sa kanilang mga bahay kaya maaaring maging target ang naiwang bahay.

-- Ulat nina Raphael Bosano, Jacque Manabat, Ron Gagalac, Dexter Ganibe, at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.