Antas ng tubig sa Angat Dam muling bumaba: PAGASA

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 11:40 AM

Bumaba muli ang antas ng tubig sa Angat Dam sa nakalipas na 24 oras, ayon sa PAGASA-Hydrometeorology Division nitong Huwebes.

Sa kanilang tala ngayong Huwebes, nasa 197.84 meters ang lebel ng tubig ng nasabing dam, mas mababa sa naitalang 198.10 meters na water level noong Miyerkoles. 

Malayo pa ito sa critical level ng dam, na pangunahing pinagkukuhanan ng tubig ng Maynilad at Manila Water, na nagseserbisyo sa mga kabahayan at establisimyento sa Metro Manila at karatig-lalawigan.

Bumaba rin ang antas ng tubig sa San Roque, Pantabangan, Magat, at Caliraya Dam. 

Samantala, nadagdagan ang antas ng tubig sa Ipo Dam at La Mesa Dam. 

Bahagya namang tumaas ang lebel ng tubig sa Ambuklao at Binga dam. 

Dati nang nag-abiso si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na mag-tipid sa suplay ng tubig para maiwasan ang shortage ngayong dry season. 

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.