6 timbog sa serye ng buy-bust operations sa Davao del Norte

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2020 01:36 PM

Anim na lalaki ang naaresto ng mga awtoridad sa serye ng mga buy-bust operation sa Davao del Norte nitong mga nagdaang araw.

Sa lungsod ng Panabo, hinuli noong hapon ng Miyerkoles ang isang 18 anyos na lalaki dahil sa umano ay pagbebenta ng hinihinalang shabu.

Ayon kay Major Ernesto Grego, hepe ng Panabo police, ang suspek ay taga-Davao City na dumayo sa lugar para makabenta ng droga. Ito ay kahit may umiiral umanong community quarantine sa lugar bunsod ng banta ng coronavirus disease (COVID-19).

Nakuha sa suspek ang higit 20 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P200,000, isang hand grenade, at nakaw na motorsiklo.

Noong umaga ng Miyerkoles, natimbog naman sa Tagum City ang isang 33 anyos na lalaki matapos makuhanan ng P200,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Sa bayan ng Santo Tomas, apat na lalaki ang naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operation noong hapon ng Miyerkoles at Martes.

Nakuha sa mga suspek ang mga sachet ng shabu at drug paraphernalia.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-- Ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.