Online seller timbog sa pagbebenta ng damit na may pekeng tatak

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2019 09:15 PM

DAVAO CITY - Arestado nitong Martes ang isang online seller na nagbebenta umano ng damit na may pekeng tatak, kabilang ang produkto ng surfing company kung saan co-owner ang anak ng Pangulo na si Sebastian "Baste" Duterte.

Arestado si Irish Barcelo Felix at pinsan nitong si Venus Barcelo sa inihain na search warrant ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Ayon kay Police Major Milgrace Driz, nagsagawa muna sila ng test buy at nang magpositibo ay kumuha sila ng search warrant sa korte.

Ayon kay Barcelo, manager sa isang tindahan ni Felix, hindi peke ang kanilang ibinebentang ready-to-wear.

"Barato kay overrun man, class A lang, dili ni fake kay class A lang man,” ani Barcelo.

(Mura lang kasi overrun ito kumbaga class A. Hindi siya fake, class-A lang siya.)

Aabot sa 285 na fake rash guard ang nakumpiska ng CIDG-Davao.

Ayon kay Jan Aldrin Jimenez, co-owner ng Reef Side, halos mag-iisang buwan nilang iniimbestigahan ang tindahan ni Felix at nang makumpirmang kinokopya ang kanilang rash guard clothing, agad silang dumulog sa CIDG Davao.

Dagdag niya, Davao-made ang kanilang surfing clothing at walang sinumang binigyan ng pahintulot na gamitin ang pangalan para mag-reproduce ng kanilang brand.

"Ila lang gisundog ang logo, ingon ani pabuhat sila para makabaligya lang sila. Naa man gud mi sizing ba mao na ang timailhan," ayon kay Jimenez.

(Ginaya nila ang logo namin Nagpapagawa sila para lang makabenta sa amin. Merong sizing na palatandaan.)

Haharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Intellectual Property Code.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.