Bahagi ng Elliptical, Commonwealth, isasara simula Marso 29

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2018 09:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isasara na sa mga motorista simula Marso 29 ang ilang linya sa intersection ng Commonwealth Avenue at Elliptical Road sa Quezon City dahil sa gagawing tunnel ng MRT 7. 

Maghuhukay na ang contractor ng MRT 7 sa kanto ng Commonwealth Avenue at Elliptical Road.

Isang linya sa magkabila ng Commonwealth at tatlong linya sa Elliptical Road ang gagamitin bilang work area at isasara na sa motorista.

Sa pag-aaral ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nasa 13,000 mga sasakyan kada oras ang dumadaan sa naturang intersection tuwing rush hour kaya siguradong apektado ito sa pagsasara ng ilang linya simula sa Huwebes, Marso 29 hanggang sa Agosto.

Ayon sa MMDA, disiplina ang kailangan para maibsan ang perwisyo ng trapik.

Plano rin ng ahensiya na tanggalin na ang U-turn slot sa intersection at pagkatapos ay hahatiin nila ang sampung linya ng elliptical road: limang outer lane para lamang sa mga papasok at palabas ng Commonwealth at limang inner lane para sa mga iikot ng Quezon Circle.

Ilalagay ang barrier simula sa Maharlika street hanggang Commonwealth kaya ang mangyayari ay obligado nang kumanan sa Commonwealth ang mga lalabas ng Maharlika. 

Payo ng MMDA, mas makakabuting maghanap na lang ng ibang dadanan para makaikot sa Quezon Circle.

Gagawan din ng paraan ng MMDA ang Philcoa dahil doon tumitigil ang mga bus at jeep na humaharang sa mga papasok ng Commonwealth.

"Starting tomorrow, puwede nating batakin 'yong mga sasakyan, pampublikong sasakyan, 'yong mga bus at jeepney para at least hindi limang lane ang nao-occupy nila," ani Celine Pialago, MMDA spokesperson.

Ginagawa na rin ngayon ang isa pang linya bilang kapalit ng sinakop na work area.

Makikipagtulungan ang MMDA sa Quezon City para dagdagan ang traffic enforcer sa mga apektadong lugar.

-- Ulat nina Ron Gagalac at Oman Bañez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.