SAPUL SA CCTV: Lalaki, nagnakaw ng mga sigarilyo, gatas sa grocery

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2019 09:27 PM

SARRAT, Ilocos Norte - Sapul sa CCTV ang pagnanakaw ng isang lalaki sa isang mini-grocery store sa bayan ng Sarrat, Ilocos Norte Linggo ng tanghali.

Kinilala ang suspek na si John Mark Guevarra, 26-anyos, residente ng Barangay 1, Sarrat, Ilocos Norte at nagpakilalang isang disk jockey sa isang bar sa Laoag City.

Sa kuha ng CCTV, kita si Guevarra na pumasok sa grocery store. 

Maya-maya pa ay umupo siya at inilipat ang isang ream ng sigarilyo. Tumayo siya at patingin-tingin sa ilang paninda hanggang binalikan ang inilipat na ream ng sigarilyo at itinago na sa kaniyang suot na jacket. 

Pagkatos nito ay kumuha siya ng isa pang ream ng sigarilyo at itinago ulit sa kaniyang jacket.

Lumipat ng puwesto ang suspek at kumuha ng dalawa pang ream ng sigrailyo at isang pakete ng gatas na inilagay niya sa kaniyang backpack.

Watch more in iWant or TFC.tv

Di niya alam, mino-monitor na pala siya ng kahera ng grocery store sa kanilang CCTV. 

Nagpatulong ang kahera sa mga kostumer at agad nahuli ang suspek

"Hawakan niyo nga, tapos sabi kong itaas ang jacket, at doon may dalawang ream ng sigarilyo,” sabi ni Wilma Nuval, kahera ng grocery store.

Araw-araw bumibili ang suspek sa grocery store.

"May history ito noon na nagnakaw na noon ng laptop pero bina-validate pa natin," ani Police Maj. Roldan Suitos, hepe ng Sarrat Police.

Bukod sa modus na pagsusuot ng jacket, para hindi mahalata, inililipat umano niya sa mga tagong lugar sa tindahan ang mga item na nanakawin niya. 

Ayon sa suspek, ibebenta niya ang ninakaw na sigarilyo. Ang gatas naman ay para umano sa kaniyang limang maliliit pang mga anak.

"Para may pambili ako ng mga gamit ng aking mga anak," paliwanag ni Guevarra.

Nasampahan na ng kasong theft ang suspek at ngayon ay nakakulong sa Ilocos Norte Provincial Jail.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.