Palasyo minaliit ang babala sa pagkuha ng Tsina ng gas sa Reed Bank

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2019 09:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi kukuhanin ng Tsina ang gas sa Reed Bank dahil lagi naman nagbabayad ng utang ang bansa, ayon sa Palasyo.

Kasunod ito ng babalang binitiwan ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio nitong weekend na puwedeng kuhanin ng Tsina ang gas sa Reed Bank kung hindu umano makapagbabayad ang Pilipinas sa utang nitong $62 milyon (higit P3 bilyon) para sa Chico River irrigation project. 

"It will never happen kasi nga kasi we pay eh," sabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo.

"Saka ang liit lang naman," dagdag ni Panelo.

Ayon kay Carpio, pumayag ang Pilipinas sa isang kasunduan na pinirmahan noong Abril 2018 na puwedeng habulin ng Tsina ang "patrimonial" o pribadong pag-aari ng bansa at iyong nakalaan para sa komersiyal na gamit.

Kasama roon ang gas fields sa Reed Bank.

Tinatayang nasa 5.4 bilyong barrels ng langis at 55.1 trillion cubic feet ng natural gas ang nasa Reed Bank, na idineklara na bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas noong 2016.

Ayon pa kay Carpio, kapag may gusot, pumayag ang Pilipinas na sa Beijing gagawin ang arbitration, kung saan wala umanong pag-asang manalo ang Pilipinas.

Labag din umano sa Saligang Batas ang confidentiality clause ng kasunduan.

Nabahala rin sa sinabi ni Carpio ang maritime law expert na si Jay Batongbacal.

"Since we signed onto it and it's already in effect... it's very difficult to cancel it," ani Batongbacal.

Baka matulad umano tayo sa Sri Lanka kung saan inangkin ng Tsina ang pier dahil hindi nakapagbayad.

Una nang nagbabala ang mga kritiko na talo ang Pilipinas sa pautang ng Tsina dahil bukod sa mataas ang interes, posible pa umanong ari-arian ng bansa ang kapalit. -- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.