Nagpanggap na pulis, tumangay ng lisensiya, pera tinutugis

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2019 09:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang lalaking nagpanggap na pulis, at nanguha ng lisensiya at pera mula sa isang tricycle driver.

Pinara ng lalaking nagpakilalang pulis ang tricycle na minamaneho ni Jonathan Magan noong Sabado sa Congressional Avenue.

Sinabihan ng lalaki si Magan na hinuhuli ito dahil sa paglabag sa batas trapiko. Kinumpiska niya ang lisensiya ng driver at P30,000 na ipangkakarga sa mga gasul na negosyo ng may-ari ng tricycle.

Natuklasan kalaunan na modus lang pala ng lalaki ang umano ay paghuli.

Kinumpirma ng QCPD na hindi nila kasamahan ang lalaki.

"Nagpapanggap sila na pulis eh wala naman po tayong mga pulis na ganito," ani Police Lt. Col. Alex Alberto ng QCPD Station 3.

Pinaiikutan na rin ng QCPD ang mga lugar na tinatambayan ng lalaking nagpanggap na pulis.

"Umaapela kami sa publiko na makipagtulungan po kayo," ani Alberto.

Ikukumpara naman ang video ng suspek sa rogue's gallery para malaman kung dati na bang may rekord ang lalaki sa pulisya. --Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.