Magkasintahan, patay matapos 'manlaban' sa Cebu

Aiza Layague, ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2019 08:58 PM

TALISAY CITY, Cebu - Patay ang isang babae at lalaki matapos umano silang manlaban sa isang buy-bust operation sa Barangay Tabunok, sa lungsod na ito Lunes ng hapon.

Kinilala ang mga napatay na sina Alex Cuyogan at Johana Mae Delar, na magkasintahan umano.

Ayon kay Police Capt. Alejandro Batobalonos, hepe ng Provincial Drug Enforcement Unit, nakatunog ang mga suspect na ang kanilang katransaksiyon ay mga pulis kaya nauwi sa engkuwentro ang operasyon.

Nakatakas ang isa sa nga suspect na kinilala lang sa pangalang Jeylord.

Aksidente namang natamaan ng bala ang sibilyan na si Resty Abellana na nagbabantay lang ng tindahan noong kasagsagan ng operasyon.

Ayon kay Batobalonos, matagal na rin nilang sinusubaybayan ang mga suspect. 

Ilang beses na umanong lumabas ang pangalan ni Cuyogan at ng grupo nito bilang supplier ng droga sa lugar, ayon sa iba pang mga suspect na naaresto ng pulisya sa mga nakaraang operasyon.

Responsable din umano si Cuyogan sa sunod-sunod na insidente ng pamamaril sa Talisay City.

Narekober ng pulisya ang 400 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga umano ng P2.7 milyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.