Lalaki balik-kulungan matapos maglabas ng itak, makipag-away sa kainan

ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2019 11:08 AM | Updated as of Mar 25 2019 08:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Balik-kulungan ang isang 29-anyos na construction worker matapos maglabas ng itak at masangkot sa away sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City, Linggo ng gabi. 

Nasa isang kainan ang suspek na si Dennis Villanueva nang bigla niyang ilabas mula sa kaniyang bag ang isang itak at iwagayway ito, batay sa kuha ng CCTV. 

Dahil dito, nasugatan sa daliri ang isa sa 3 lalaking nag-iinuman at nagbi-videoke sa kabilang mesa. 

Makalipas ang ilang minuto, kumuha ng bote ng beer ang kasamahan ng lalaking nasugatan at inihampas ito kay Villanueva, na kanya ring sinuntok. 

Sinubukang umawat ng ibang tao roon, pero lumapit din ang isang lalaki mula sa labas at hinampas si Villanueva ng dos por dos. 

Bago tumakas ang lalaking nanuntok at ang mga kasama niya, tinadyakan pa nito si Villanueva na nakahiga na sa sahig. 

Itinanggi naman ni Villanueva na nag-amok siya, pero inamin niyang gumamit siya ng shabu bago pumunta sa kainan para ganahan sa trabaho. 

Dati na siyang nakulong dahil sa kasong may kinalaman sa droga at nakalaya noong 2016. 

Nakuha sa kanya ang isang itak at isang sachet ng hinihinalang shabu. 

Mahaharap sa patong-patong na kaso ang suspek na nasa kustodiya ng pulisya. 

- May ulat nina Anjo Bagaoisan at Lyza Aquino, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.