9 rebeldeng NPA, sumuko sa Sultan Kudarat

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at Mar 25 2019 09:42 PM

GENERAL SANTOS CITY - Sumuko sa mga pulis ang siyam na miyembro ng Guerilla Front 73 ng rebeldeng New People's Army (NPA), alas-4 ng madaling araw Linggo sa Barangay Midtungok, bayan ng Senator Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat.

Kasama nilang isinuko ang matataas na kalibre ng armas gaya ng M-14 rifle, M-16 rifle, Garand rifle, kalibre .45 na baril, mga bala, at dalawang fragmentation grenade.

Bago ang araw ng pagsuko, noong March 21 nagkaroon pa ng engkwentro sa pagitan ng mga awtoridad at ilang NPA sa Barangay Banali sa bayan pa rin ng Senator Ninoy Aquino.

Noong gabi ding iyon, apat naman sa hanay ng Guerilla Front 73 ang naaresto sa hot pursuit operation ng kapulisan sa bayan ng Palimbang.

Nitong Lunes ng umaga, iniharap ang mga nasabing rebelde sa Police Regional Office 12 at lakas loob na inaming dalawang dekada na silang nakikipaglaban sa pamahalaan sa pangakong mabibigay ng NPA ang kanilang lupa.

Ipinangako ng lokal na pamahalaan na makakatanggap ng mga benepisyo mula sa programang Enchanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ang mga nagbalik-loob.

Simula 2018, umabot na sa higit 200 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at NPA ang sumuko sa Sultan Kudarat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.