Lalaki timbog sa buy-bust sa Iloilo City

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2019 05:19 PM | Updated as of Mar 24 2019 05:50 PM

Naaresto ang isang lalaki sa Iloilo City noong Sabado dahil sa pagbebenta ng hinihinalang shabu, ayon sa pulisya.

Matapos bentahan ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer, dinampot ng mga operatiba ng Iloilo City Police Station 1 Drug Enforcement Unit ang suspek na si alyas "Christopher."

Modus ni "Christopher" ang "mobile selling" o iyong pagbebenta ng droga sa loob ng sasakyan para hindi siya matiktikan ng mga awtoridad, ayon kay Police Lt. Col. Jonathan Pablito, station commander ng Iloilo City Police Station 1.

Galing Silay City, Negros Occidental si "Christopher" at posible raw na sa nasabing lalawigan din kinukuha ng suspek ang kaniyang suplay na ibinebenta sa Iloilo City.

Makikipag-ugnayan ang Iloilo City police sa pulisya sa Negros Occidental para malaman kung may dati nang record si "Christopher."

-- Ulat ni Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.