Negosyante kalaboso sa droga, baril sa GenSan

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2019 05:38 AM | Updated as of Mar 23 2019 06:30 AM

Francis Canlas, ABS-CBN News

GENERAL SANTOS CITY - Arestado ang isang negosyante matapos makuhanan ng droga at baril sa Barangay Lagao, General Santos City Biyernes ng gabi.

Nilusob ng mga tauhan ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU) 12 ang bahay ng suspek sa bisa ng search warrant.

Ayon kay Police Lt. Col. Leo Sua ng RPDEU 12, nagtangka pang tumakas ang suspek. Nang kapkapan ito, nakumpiska sa kaniya ang isang baril.

Narekober din sa bahay ng suspek ang ilang sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia, tulad ng glass pipe at lighter.

Tumangging magkomento ang suspek nang kunan ito ng pahayag. Mahaharap siya sa reklamong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. - Ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.