'Di pinakain': Kasambahay sa Saudi sa basurahan naghanap ng pantawid-gutom

Charles Tabbu, ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2019 12:15 PM | Updated as of Mar 23 2019 09:07 PM

Nasa kustodiya na ng Philippine Overseas Labor Office-Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA) sa Jeddah si Gina Rueles matapos masagip sa bahay ng kaniyang employer sa Al Baha. Charles Tabbu, ABS-CBN News

JEDDAH, Saudi Arabia – Hindi akalain ng isang kasambahay na hahantong sa pamumulot ng pagkain sa basurahan ang kaniyang sitwasyon dito.

Kinuhanan ni Gina Ruales ang sarili habang kumakain ng mga pagkaing itinapon na sa basurahan sa bahay ng kaniyang amo. Pinipili niya ang puwede pang tanggapin ng kaniyang sikmura. Kahit may mga halong tissue at sirang kanin, sige lang daw para lang maitawid ang gutom.

Watch more in iWant or TFC.tv

“Sa loob po ng 6 days po na wala akong kain, so parang magco-collapse na po ako noon. So no choice po, at wala po akong pagkain, so hinahanap ko, at nahanap ko ang kanin sa basura po,” sabi niya. 

Nagsimula ang kalbaryo ni Ruales nang magpaalam siya sa ina ng kaniyang amo na uuwi na sa Pilipinas dahil tapos na ang kontrata.

Pero dahil ayaw siyang pauwiin, pinahirapan pa siya at ikinandado ng ina ng kaniyang amo ang mga lagayan ng pagkain.

Nakatawag-pansin at nag-viral naman ang kaniyang video kaya’t nasagip din siya.

Sa basurahan nanguha ng tira-tirang pagkain si Gina Rueles matapos na 'di pakainin ng anim na araw ng kaniyang amo sa Saudi Arabia. Screengrab mula sa video ni Ruales

“Nagpapasalamat po ako sa pag-rerescue po sa POLO (Philippine Overseas Labor Office), sa Kaagapay po, kay sir Gerwin Sandungan. Nagbibigay ako ng update sa kaniya. Araw-araw, mino-monitor po niya ako hanggang nakalabas po ako ng bahay po,” pasalamat ni Ruales.

Nasa pangangalaga na ng POLO si Ruales at inaasikaso na ang kaniyang pag-uwi sa Pilipinas.

“Pag mga ganiyan dapat iparating sa amin, para masolusyonan, para kung gusto niyang umuwi puwede nating kausapin ang kaniyang amo, pauwiin mo ito dahil violation ito sa kontrata mo--Kontrata niyo saka 'yung workers ninyo,” paalala ni Labor Attaché Nasser Munder ng Philippine Consulate General sa Jeddah.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.