Balik-bitay itinutulak kasunod ng nasamsam na P1.8-B shabu shipment

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2019 06:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iginiit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na dapat nang ibalik ang death penalty para sa kasong droga. 

Ito ay matapos nilang masabat ang nasa P1.8 bilyong halaga ng high-grade shabu mula sa isang container galing Vietnam. 

Nasabat nitong Biyernes ng gabi ang 276 pakete ng tsaa na naglalaman ng tig-1 kilo ng high-grade shabu. 

Nakapaloob umano ang mga ito sa 12 sako sa loob ng isang container sa Manila International Container Port na dumating noong Linggo.

Plastic resin ang idineklara pero noong Biyernes lang itinimbre sa PDEA ng mga awtoridad sa Vietnam na may barkong nagdala ng droga sa bansa. Nakipagtulungan naman daw agad ang Bureau of Customs sa PDEA.

"Over the course of the day we were able to identify which container 'yung may shabu and an alert order was immediately issued by my office," ani Bureau of Customs district collector Erastus Austria. 

Tingin naman ng PDEA na galing ito sa notorious na Golden Triangle Drug Syndicate. Posible din daw na magkaugnay ito sa 100 kilong shabu na nasabat sa Alabang noong Martes. 

Dahil dito, sinabi ng liderato ng PDEA na dapat nang ibalik ang parusang kamatayan para sa drug trafficking. 

"The first thing they would tell me is that there is no death penalty in the Philippines. And that's the main reason they would continue to smuggle drugs. Secondly, they can buy anybody, they can buy judges, prosecutors, they can buy law enforcers for that matter, and they can go back in their own countries safely," ani PDEA Director General Aaron Aquino. 

Iniimbentaryo na ng PDEA ang mga nasamsam na shabu at isisilid sa evidence room bago sunugin. 

Binawi na rin ng Customs ang accreditation ng sangkot na broker at consignee at nakatakdang kasuhan ang mga ito. 

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.