Barangay na tatayuan ng Boracay casino, di alam ang proyekto

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2018 09:51 PM | Updated as of Feb 18 2020 06:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iginiit ng mga opisyal ng barangay Manoc-Manoc, Boracay na wala silang kaalam-alam sa itatayong $500 milyon o P26 bilyong halaga ng casino-resort sa kanilang lugar. 
    
"Wala pa kaming nakikitang structure, establishment, wala pang proposal na nag-apply dito sa barangay," ani Rafael Gregorio, barangay kagawad ng lugar.

Ito rin ang hinaing ng Department of Interior and Local Government (DILG), na sinabing "huli" na sila sa balita kaugnay ng naturang planong establisimyento. 

Ito ay kahit pa sinabi ni Malay, Aklan Mayor Ceciron Cawaling na Hunyo 2017 ay nakakuha na ng endorsement ang Macau-based firm Galaxy Entertainment Group at local partner nitong Leisure and Resorts World Corporation (LRWC), bago ang ipinatupad na moratorium sa mga casino sa isla noong Hulyo 2017.

"May resolution na, may endorsement na 'yan from Sangguniang Bayan. Kasi nag-lobby nga sila about the project," ani Cawaling.

Sinubukang hingin ng ABS-CBN News ang kopya ng umano'y endorsement pero tumanggi ang lokal na pamahalaan na ibigay ito.

Simbahan, nalungkot

Samantala, ikinalungkot naman ng kura paroko ng Boracay ang pagpayag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa proyekto dahil 2016 pa lang ay pinakiusapan na nila itong huwag magdala ng casino sa isla.

"Marami akong nakilala na nalulong sa sugal, naubos ang pera, nahiwalay sa pamilya at asawa at kawawa ang mga kabataan," hinaing ni Fr. Tudd Belandres, parish priest ng Our Lady of the Holy Rosary Parish.

Noong Huwebes ay ganap nang pumirma sa PAGCOR ang Galaxy at LRWC para sa provisional license na magbibigay-daan sa pagpapatayo ng integrated casino-resort sa Boracay island.

 
Itinanggi naman ng Malacañang na bahagi ng pagpapatayo ng casino ang nagbabadyang pagpapasara sa Boracay.

Inirekomenda naman ng DENR (Department of Environment and Natural Resources) na isara na ang Boracay sa Abril.
     
"[We recommend that] the start of the closure will be on April 26 and it will last for six months," ani DENR Secretary Roy Cimatu.
 
Pero habang hindi pa isinasara, tuluy-tuloy ang paglilinis at pagpapasara sa mga gusaling lumabag sa environmental laws.
    
--Ulat ni Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.